Tanging Liwanag
Sa wakas, ika’y aking muling nakita,
Ang masilayan muli taglay mong ganda.
Labis na galak ang aking nadarama,
Ang panahon ng paghihintay, wakas na.
Ngunit tulad nila, ako’y lilisanin,
Gaya ng liwanag mo, mawawala rin.
Parang gunitang sabay na lang sa hangin,
Sa dilim, ikaw pa rin ang hihintayin.
Kahit na minsan hindi ka nakikita,
Sa gabi, ikaw pa rin ang panalangin.
Kahit na minsan ako’y nangungulila,
Ikaw at ikaw pa rin ang hahanapin.
Kahit panandalian lang ang liwanag,
Sa puso ko’y tatak na ang iyong sinag.
Kapag ang dilim sa gabi ay bumalik,
Ako’y maghihintay sa iyong pagbalik.